Kinatigan ng Korte Suprema ang hiling na temporary restraining orders (TRO) ng tatlong party-list group na hindi pinayagan ng Commission on Elections (Comelec) na makasali sa darating na Eleksyon 2022.
Ang nasabing grupo na nakakuha ng TRO ay ang Ang Tinig ng Seniors, Igorot Warriors International at ang Alliance for Resilience, Sustainability and Empowerment (Arise).
Sa TRO ng tatlo na may petsang December 17, inihayag ng mga mahistrado ng SC na ang petisyon para sa TRO o status quo ante orders ng party-list groups ay "sufficient in form and substance."
Inaatasan din ng SC sa TRO ang Comelec na magsumite sa kanila ng komento tungkol sa petisyon ng tatlong party-list group sa loob ng 10 araw.
Gayunman, nauna nang inihayag ng Comelec na naisagawa na noong December 14 ang raffle para sa pagkakasunod-sunod ng mga aprubadong party-list group na ilalagay sa baloto.
Hindi kasama ang pangalan ng tatlong nagpetisyong party-list group sa isinagawang raffle.
Una nang inihayag ng Comelec na aabot sa 100 party-list group ang hindi nakalusot para makasali sa Eleksyon 2022.
Hiningan ng GMA News Online ng komento ang Comelec sa inilabas na TRO ng SC pero wala pa silang tugon. —FRJ, GMA News