Inihayag ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na 12 katao ang nasawi at may pitong nawawala sa pananalasa ng bagyong "Odette," batay sa mga paunang ulat na kanilang natanggap.
Sa briefing na dinaluhan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Biyernes, sinabi ni NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad na 84,674 pamilya o 338,664 katao ang inilikas at dinala sa ligtas na mga lugar sa Mimaropa, Regions 6, 7, 8, 9, 11, at Caraga.
Batay sa mga paunang ulat, sinabi ni Jalad na anim ang nasawi sa Region 6 dahil sa pagkalunod at pagbagsak ng mga puno.
Pitong iba pa ang nawawala.
Apat naman ang iniulat na nasawi sa Region 7. Nawalan din ng kuryente sa Bohol, Cebu at Negros Oriental.
Idinagdag ni Jalad na may isang nasawi sa Region 8, at isa sa Region 10.
Bineberipika naman ang impormasyon na may nasawi sa Siargao Island.
“Based on information from the governor of Surigao del Norte, there are two deaths reported in the island of Surigao but that is also being validated as of now,” ayon kay Jalad.
Wala pa naman silang natatanggap na impormasyon tungkol sa insidente pagguho ng lupa.
“There were no reported landslides which in the past typhoons are big contributors of casualties, but hopefully in the next few days in the conduct of the assessment of our LGUs (local government units) and regional government agencies involved, there will be no more casualties reported,” ayon sa opisyal.
Sinabi rin ni Jalad na napinsala ang airport terminal sa Siargao at hindi magamit ang runway.
Inihayag naman ni Duterte na bibisitahin niya ang mga lugar na sinalanta ng bagyo pero makita ang pinsalang iniwan ng kalamidad.-- FRJ, GMA News