Nakitaan ng Omicron coronavirus variant ang isang Pinoy at isang Nigerian na galing sa ibang bansa at dumating sa Pilipinas, ayon sa Department of Health (DOH) nitong Miyerkules.
Ayon sa DOH, 48-anyos na lalaki ang Pinoy na galing sa Japan. Dumating siya sa bansa noong December 1 via Philippine Airlines flight number PR 0427.
Samantala, 37-anyos na lalaki naman ang Nigerian na mula sa kanilang bansa at dumating sa Pilipinas noong November 30 via Oman Air with flight number WY 843.
Sa ipinadalang mensahe sa mga mamamahayag, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, na fully vaccinated laban sa COVID-19 ang isa sa dalawa.
Parehong nasa isolation facility ang dalawa na pinamamahalaan ng Bureau of Quarantine, ayon sa DOH.
Sinabi rin ng DOH na ang dalawang kaso ay nakita sa 48 samples na kinabibilangan ng 21 returning overseas Filipinos (ROFs), isang foreign national, at 26 na local cases mula sa mga lugar na case clusters.
Kinuha ang sample ng ROF noong December 5. Dalawang matapos nito, nagpositibo siya sa COVID-19 at dinala agad sa isolation facility.
"He is currently asymptomatic but had symptoms of colds and cough upon arrival," ayon sa DOH.
Samantala, ang sample mula sa Nigerian ay kinuha noong December 6 at lumitaw na positibo noong December 7.
Asymptomatic umano ang dayuhan at inilagay sa quarantine facility.
"The DOH is determining possible close contacts among co-passengers during the flights of these two cases,” ayon sa pahayag ng DOH.
Aalamin din ng DOH ang test results at health status ng lahat ng pasahero na nakasabay ng dalawa.
Pinayuhan ang mga pasahero na nakasabay ng dalawa na makipag-ugnayan sa DOH COVID-19 Hotlines na (02) 8942 6843 o 1555, o sa lokal na pamahalaan na kinaroroonan nila at ipagbigay-alam ang lagay ng kanilang kalusugan.
"With the detection of the imported cases of Omicron variant, the Department also urges everyone to adhere to the minimum public standards," ayon sa DOH.
"Moreover, this holiday season, the public should avoid holding mass gatherings to curb the transmission of COVID-19. The DOH also urges those unvaccinated to get vaccinated," dagdag nito.
--FRJ, GMA News