Nakipaghatakan ang ilang vendor sa mga tauhan ng lokal na pamahalaan ng Maynila na nagsasagawa ng clearing operation para hindi makuha ang kanilang mga paninda na halos umabot na sa gitna ng kalye at daanan ng mga tao.

Sa ulat ni Marisol Abdurahman sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, kabilang sa mga lugar na pinuntahan ng Team Hawkers ang lugar ng Rizal Avenue at Carriedo.

Agad na kinumpiska ng Team Hawkers ang mga paninda na nasa gitna ng mga daanan. Tinangka naman ilang vendor na makipag-agawan para hindi makuha ang kanilang paninda pero wala na silang nagawa.

Hinanakit ng isang vendor, kabibili lang niya ng kaniyang mga paninda na kinuha ng raiding team.

Ang isang vendor, aminado naman na matigas ang ulo nila sa pagpuwesto sa lugar na bawal sila.

Nakiusap naman ang isang vendor na pagbigyan sana sila ngayong panahon ng kapasukuhan.

Ayon kay Samuel Duenas, operations chief ng Team Hawkers, noong nakaraang linggo pa sila nagsimulang magsagawa ng clearing operation.

Nilinaw niya na may tamang lugar na nakalaan sa mga vendor.

"Pilit silang gumigitna puwede naman sila dun sa puwesto nila. Nabibilhan naman sila, gusto nila gitna nang gitna, sinasalubong nila mga tao," ayon kay Duenas.

Ibabalik naman daw ang mga kinumpiskang paninda pero dapat munang mangako ang mga vendor na hindi na sila babalik sa mga lugar na bawal sila.--FRJ, GMA News