Kalaboso ang apat na lalaki dahil sa pagtaya sa hindi awtorisadong online sabong sa Pasay City. Ang isa sa mga suspek, umaming mali ang kanilang ginagawa pero ganun daw talaga kasi ang mga Pinoy.
Sa ulat ni Mai Bermudez sa GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing nadakip ang apat na kalalakihan sa Barangay 201 sa nasabing lungsod Lunes ng gabi.
Sila-sila lamang mga suspek ang nagpustahan sa halip na sa off-cockpit betting station (OCBS) o mga awtorisadong tayaan pumusta, at hindi regulated ang kanilang pustahan.
Idinahilan ng isa sa mga nahuli na mahaba ang pila sa tayaan ng online sabong.
"Nagsesenyasan lang po kasi nga maraming tumataya, hindi na umaabot. May oras po kasi," sabi ng suspek na si Rolando Reyes.
Alam daw nilang bawal ang kanilang ginawa pero nagkaniya-kaniya na lang sila ng tayo dahil sa bilis ng oras para makataya.
"May cashier po sila. Siyempre sa dami ng tao roon, punong-puno siya, alam niyo naman po kapag ganoong sabong, maraming sabong. Pilipino kasi, siyempre hindi maiwasan 'yung magkatawaran pa rin ng ganoon kahit alam na mali. Inaamin naman namin na mali kami kasi nandoon na eh. Hindi naman po kami ano kasi talagang Pilipino eh," sabi ni Reyes.
Sinabi ng isang pang nahuli na sa dami ng mga tao, marami pang mananaya ang hindi na nahuli.
Sasampahan ng paglabag sa Presidential Decree 1602 ang mga nadakip.
Sinabi ng Pasay Police na ang awtorisado ng PAGCOR bilang mga tayaan ng online sabong ang mga OCBS.
Mayroon ding mga rehistradong pittmaster agent kung saan maaaring magpa-load at maglaro ang mga mananaya gamit ang kanilang cellphone. --Jamil Santos/FRJ, GMA News