Hindi na itutuloy ni Senador Bong Go ang pagtakbong pangulo ng bansa sa Eleksyon 2022.
Inihayag ito ng senador nitong Martes, isang linggo makaraang sabihin niya na naghihintay siya ng senyales mula sa Diyos kung itutuloy o iaatras niya ang kaniyang kandidatura.
Sa ambush interview sa San Juan City, ipinaliwanag ni Go na hindi sang-ayon ang kaniyang pamilya sa kaniyang pagtakbo bilang pangulo.
Ayaw din umano ni Go na maipit sa sitwasyon si Pangulong Rodrigo Duterte, na ang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte, ay tumatakbong bise presidente pero si presidential aspirant Bongbong Marcos ang katambal.
“Ayoko rin pong lalong maipit si Pangulong Duterte. Higit pa po sa tatay ang pagmamahal ko sa kaniya,” saad ni Go.
Inihayag muli ng senador na handa siyang magsakripisyo para sa bansa at para sa pagkakaisa ng kanilang mga tagasuporta.
“In the past few days, I realized that my heart and my mind are contradicting my actions. Talagang nagre-resist po ang aking katawan, puso, at isipan. Tao lang po ako, nasasaktan at napapagod din,” ayon kay Go.
“Sa ngayon po, ‘yun ang mga rason ko. That is why I am withdrawing from the race,” patuloy niya.
Una rito, naghain ng certificate of candidacy (COC) si Go para tumakbong bise presidente. Pero iniurong niya ang naturang COC para maging substitute candidate bilang kandidatong presidente.
Sa Viber message sa mga mamamahayag, sinabi ni Commission on Elections spokesperson James Jimenez, na hindi tatanggap ng anumang "filing" ang law department ng komisyon ngayong Martes dahil holiday.
Hindi na rin umano puwedeng palitan ng ibang kandidato si Go dahil voluntary withdrawal ang kaniyang ginagawa pag-atras sa halalan.
Nitong Nobyembre 15, ang deadline sa substitution ng mga kandidato.
Ayon pa kay Jimenez, kailangan magpunta sa Comelec ang kandidatong iuurong ang kaniyang kandidatura.—FRJ, GMA News