Arestado sa Fairview, Quezon City ang isa sa mga umano'y mastermind ng multi-million peso Wahana investment scam, ayon sa ulat ni Marisol Abdurahman sa Unang Balita nitong Martes.
Matapos ang ilang taong pagtatago, natunton na ng Criminal Investigation and Detection Group - National Capital Region (CIDG NCR), sa tulong ng Armed Forces of the Philippines (AFP), si Maria Raisa Yap at ang kanyang asawang si dating Police Corporal Michael Yap.
Ayon sa mga pulis, nakakuha raw ang mga suspek ng milyun-milyong piso mula sa mga pulis, sundalo at iba pang nasa serbisyo.
Wanted si Maria Raisa sa 82 counts ng estafa.
"Nag-conduct tayo ng manhunt operation against sa co-founder ng Wahana investment scam at luckily with the help of the AFP counterpart, na-locate natin at naaresto, sinerve natin ang warrant of arrest against Raisa Yap," ani Police Colonel Randy Glenn Silvio, regional chief ng CIDG NCR.
Giit naman ni Michael ay biktima lang siya ng nasabing scam habang si Maria Raisa naman ay sinabing wala umano siyang kinalaman sa Wahana.
"Wala po ako talagang kasalanan. Nadamay lang ako sa asawa ko po. Doon sa Wahana daw po naglagay daw siya ng pera doon pero hindi po ako involved doon po. Malinis ang konsensiya ko. Wala akong kinalaman," ani Maria Raisa.
Inaresto rin ang bayaw nitong si Dante Paradas, na wala pang pahayag sa media.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya.
May narekober silang isang sasakyan na isasailalim nila sa beripikasyon. —Sherylin Untalan/KG, GMA News