"It’s not a matter of if, it’s a matter of when." Ito ang inihayag ni Health Secretary Francisco Duque III kaugnay sa pangamba na makapasok sa Pilipinas ang bagong variant ng COVID-19 na Omicron.
"Talagang 'yan po papasok 'yan just as we have experienced with Alpha, Delta among the variants of concern," ayon kay Duque sa Talk to the People nitong Lunes na pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ang pahayag ay ginawa ni Duque matapos magtanong si Duterte tungkol sa posibilidad na makapasok sa bansa ang naturang variant na unang nakita sa Africa, at nakapasok na rin sa ilang bansa sa Europe.
Ayon kay Duque, inaasahang makapapasok din sa bansa ang Omicron kaya dapat pag-ibayuhin ang mga estratihiya laban dito.
"It is not a matter of if, it is a matter of when so talagang papasok 'yan (Omicron) just as we experienced Alpha, Delta among the variants of concerns. Mr. President. So kinakailangang paigtingin ang PDITR strategy," sabi ni Duque sa pangulo.
Kabilang umano sa paghahanda na dapat gawin ay pagpapatupad pa rin ng minimum health standards.
Binanggit din ng kalihim ang paggamit ng face shields sa 3Cs areas o matataong lugar, close-contact settings, at mga kulob na lugar.
Dapat din umanong pag-ibayuhin ang kampanya sa pagbabakuna para makamit ng bansa ang population protection laban sa virus.
Makabubuti rin umanong ihanda ang health care system para sa "worst case scenario."
"Let's take advantage of low number of cases and prepare for healthcare system capacity for the worst case scenario," payo niya Duque.
Bagaman hindi pa tiyak kung matindi sa bilis ng panghahawa at tindi ang epekto ng virus sa katawan ng tao, idineklara na ng World Health Organization (WHO) variant of concern ang Omicron.
May naitala nang kaso ng Omicron sa Austria, Czech Republic, Hungary, The Netherlands, Switzerland, Belgium, at Italy. Gayundin sa South Africa, Botswana, Namibia, Zimbabwe, Lesotho, Eswatini, Mozambique, at Hong Kong.—FRJ, GMA News