Ipagbabawal ng Commission on Elections ang pagtambay at kuwentuhan sa lugar na pagdarausan ng botohan sa Eleksyon 2022 para mabawasan ang peligro ng hawahan sa COVID-19.
Sa forum na inorganisa National Citizens’ Movement for Free Elections (Namfrel), sinabi ni Comelec Deputy Executive Director for Operations Teopisto Elias Jr., na tutulong ang mga sundalo at pulis sa pagsasaayos ng pila ng mga boboto.
“Unlike before ‘yung experience natin, bago boboto, nag-kumpol-kumpol pa, nagchi-chismisan pa, nagkukwentuhan pa inside the voting center. This time, we will not allow it to happen," ayon kay Elias.
"Mayroon tayong mga COVID-19 safety protocols na naka-assign doon sa voting centers to manage and to check any situation na mayron nagkukumpul-kumpulan to the effect na hindi pa boboto, andon lang naka-tambay lang,” patuloy niya.
Ang crowd control, ayon kay Elias ay hakbang para mabawasan ang peligro ng hawahan ng virus sa harap na rin ng banta ng bagong variant ng COVID-19 na Omicron.
“Basically, sa labas pa lang, the PNP or AFP, as the case may be, will manage the crowd doon sa labas while they’re queuing before they enter the voting centers to see to it that minimum health standards and protocols are complied with,” paliwanag niya.
Sinabi pa ni Elias na puwedeng humingi ng tulong ang electoral board sa mga sundalo at pulis kung mayroon mga tao na hindi susunod sa utos ng COVID martials at binabalewa ang minimum public health standards.
Naglabas din ang Comelec ng listahan ng mga gagawin sa araw ng botohan sa May 9 elections.
Kabilang dito ang temperature checks sa bukana ng presinto o lugar ng botohan, hiwalay ang labasan at pasukan, may health stations at holding areas, maglalagay ng plastic sa pagitan ng electoral board at botante, dapat may face masks, physical distancing, at hand sanitation.
Ayon kay Elias, 10 hanggang 15 botante ang papayagan sa loob ng polling place sa bawat grupo ng boboto. Pero depende pa rin ito sa laki o liit ng pagdarausan ng botohan.
Magsisimula ang botohan ng 6:00 am at matatapos ng 7:00 pm. --FRJ, GMA News