Nakahingi pa ng saklolo bago binawian ng buhay ang isang lalaki matapos siyang pagsasaksakin sa Tondo, Maynila. Ang kaniyang kinakasama, sinabing maaaring may kinalaman sa ilegal na droga ang pamamaslang.
Sa ulat ni Mai Bermudez sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, kinilala ang biktima na si Melvin Pleno, 48-anyos at isang mangangalakal.
Nangyari ang insidente Biyernes ng gabi kung saan nakita pa umano ng isang tricycle driver ang paghingi ng saklolo ng biktima.
"Ang narinig ko lang sa kaniya 'Tulong, tulong ,' paglingon ko sabi ko 'Ano 'yun? Ano 'yun?' akala ko naman lasing. 'Yun pala, biglang natumba rito sa tricycle ko, may dugo," sabi ng saksing si Antonio Veraces.
Nakita rin umano si Pleno na naglalakad sa isang eskinita ito na may saksak na at tumutulo ang dugo sa katawan.
Kalaunan, hindi kinaya ng biktima ang mga tinamong sugat at napahiga na ito sa kalsada.
Hirap umano ang pulisya na tukuyin at tuntunin ang mga nasa likod ng krimen dahil takot magsalita ang mga posibleng nakakita.
Pero sinabi ng kinakasama ni Pleno na maaaring may kinalaman ito sa ilegal na droga.
"Mga taon na rin po [siyang gumagamit], pero natigil-tigil naman... Hindi po [siya nagtutulak]," sabi ni Jenny Espera, live in partner ng biktima.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa krimen. —LBG, GMA News