Sa kulungan ang bagsak ng isang mag-asawa matapos silang gumamit ng mga pekeng dokumento para makapag-loan at makatangay ng halos P3 milyon sa mga bangko.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing mga tauhan ng Anti-Fraud Division ng National Bureau of Investigation ang dumakip sa mga suspek na sina Evergreen Ignacio Quitoles at Joan Quitoles, haban nasa kanilang sasakyan.

Nabawi sa mga suspek ang P400,000, mga pekeng ID, cellphone at isang baril.

Ayon sa NBI, modus ng mag-asawa na mag-loan sa iba't ibang bangko gamit ang mga pekeng dokumento, tulad ng certificate of employment at inedit na litrato.

Kinumpiska rin ng NBI ang cellphones ng mag-asawa.

Ayon sa NBI, dahil sa pandemic ay sa pagtawag idinadaan ng mga bangko ang beripikasyon sa mga nag-a-apply ng loan.

Pero sa tuwing tinatawagan ng mga bangko ang mga kumpanya ng suspek, sila rin ang sumasagot gamit ang mga cellphone at sinasabi nilang "in good standing" ang kunwaring empleyado kaya dapat aprubahan ang kanilang loan application.

Kakasuhan ang mag-asawa ng multiple counts of estafa, falsification of public documents, violation of anti alias law at illegal possession of firearms.

Nanawagan si NBI Anti Fraud chief Atty. Palmer Mallari sa iba pang bangko na posibleng nabiktima ng mag-asawa at magsampa ng reklamo. --Jamil Santos/FRJ, GMA News