Hindi mamarkahang absent sa trabaho ang mga manggagawang magpapaturok sa tatlong araw na Bayanihan, Bakunahan National COVID-19 Vaccination Days, na isasagawa sa November 29, 30 at December 1, 2021.
Sa Proclamation 1253 na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa naturang programa laban sa COVID-19, pinapayagan ang mga manggagawa mula sa public at private sector na magpaturok nang hindi sila mamarkahan na lumiban sa trabaho.
Gayunman, kailangan nilang magpakita ng katibayan na nabakunahan sila sa naturang mga araw.
Target ng pamahalaan na mabakuhan ang nasa 15 milyon katao sa loob ng nasabing tatlong araw na gaganapin sa buong bansa.
Sa ngayon, tinatayang 34 milyong Filipino na ang fully vaccinated. Pero malayo pa rin ito sa target na 80% ng 109 milyong populasyon pagsapit ng May 9, 2022 para makamit ang herd immunity laban sa COVID-19.
Sa Talk to the People nitong Martes, inatasan ni Duterte ang lahat ng kinauukulang ahensiya ng pamahalaan at mga law enforcement units na tumulong upang madala sa vaccination sites ang lahat ng nais na magpabakuna.
Hinikayat din ng pangulo ang mga lokal na pamahalaan na magkaloob ng makakain sa kanilang mga kababayan na magpapabakuna.
Gov't workers, excuse kapag nagpaturok
Naglabas din ang Civil Service Commission (CSC) ng memorandum na nagsasaad na puwedeng lumiban sa trabaho ang mga manggagawa sa gobyerno na magpapaturok sa panahon ng tatlong araw na National COVID-19 Vaccination Day.
Kasama rin sa puwedeng gamiting dahilan sa hindi pagpasok sa trabaho ang pagkakaroon ng "adverse effects" dahil sa pagpapabakuna.
Nakasaad ito sa Memorandum Circular No. 16, s. 2021 o ang “Interim Guidelines on Absences of Government Officials and Employees Due to COVID-19 Vaccination and/or Adverse Events Following Immunization (AEFI) of COVID-19 Vaccine.”
Ipinaliwanag na ang AEFI ay, “any untoward medical occurrence which follows immunization and which does not necessarily have a causal relationship with the usage of vaccine.”
“The issuance provides for the treatment of absences incurred by government officials and employees during the day of the inoculation of COVID-19 vaccine and/or the required treatment or recuperation period from any AEFI of COVID-19 vaccine,” ayon sa pahayag ng CSC.
“The guidelines remind all government workers of their responsibility to adopt necessary measures to prevent COVID-19 transmission in the public sector workplaces,” dagdag pa nito.
Samantala, sinabi ng CSC na ang pagliban ng kawani dahil sa AEFI ay maaaring kunin sa sick leave credits, "When the period of treatment or recuperation exceeds the maximum allowable period of absences for the stated conditions."
“If the employee has exhausted his/her sick leave credits, Section 56 of the Omnibus Rules on Leave allows for the use of vacation leave credits in lieu of sick leave credits. In case the vacation leave credits have been exhausted, the employee may apply for sick leave of absence without pay,” paliwanag ng SCS.-- FRJ, GMA News