Patuloy na bumababa ang mga aktibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas matapos maitala ang 2,759 na bagong gumaling, kontra sa 1,190 na mga bagong kaso.
Sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkules, sinabing 23,532 na lang ang mga pasyenteng ginagamot at patuloy na nagpapagaling sa COVID-19.
Ang naturang bilang ang pinakamababa mula noong Enero 12, 2021.
Sa mga aktibong kaso, 58.1% ang mild cases, 5.2% ang asymptomatic, 12% ang severe, at 5% ang kritikal ang kalagayan.
Mayoong 309 na pasyente ang nadagdag sa listahan ng mga pumanaw, na 46,117 na ang kabuuang bilang.
Pero paliwanag ng DOH, 61% sa naitalang 309 na mga bagong pumanaw sa virus ay nangyari noong nakaraang Oktubre.
Naantala umano ang paglalagay ng mga datos sa COVIDKaya.
"This issue is currently being coordinated with the Epidemiology and Surveillance Units to ensure information is up to date," ayon sa DOH.
Inihayag ng DOH na mayroong 37 ang inalis sa bilang ng mga kaso matapos na madoble. Mayroon ding 264 na kaso na nakalagay sa bilang ng mga gumaling ang inilipat sa bilang ng mga pumanaw matapos ang final validation.
Isang laboratoryo lang umano ang hindi nakapagsumite ng datos sa takdang oras sa COVID-19 Document Repository System.—FRJ, GMA News