Inialok ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. ang kaniyang posisyon bilang chairman ng Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) kay Davao City Mayor Sara Duterte, na kandidato nila bilang bise presidente sa Eleksyon 2022.
“In full support of Mayor Sara Duterte's candidacy for vice president, I am offering her my post as chairman of Lakas-CMD,” saad ni Revilla sa inilabas na pahayag.
“I have full trust and confidence in Mayor Sara Duterte's leadership, I believe that she will steer the party towards victory in 2022,” patuloy ng senador.
Wala pang pahayag si Mayor Sara o ang tagapagsalita niya na si Liloan, Cebu Mayor Christina Frasco, tungkol sa alok ni Revilla.
Nitong November 11, umanib si Mayor Sara sa Lakas-CMD matapos magbitiw sa kaniyang regional party na Hugpong ng Pagbabago.
Dalawang araw matapos nito, naghain si Mayor Sara ng certificate of candidacy bilang kandidatong vice president sa Eleksyon 2022 sa pamamagitan ng "substitution."
Nitong Martes, kinumpirma ni Mayor Sara ang tambalan nila ni presidential aspirant Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na tatakbo sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas (PFP).— FRJ, GMA News