Sa kulungan ang bagsak ng isang mag-asawa matapos nilang kikilan umano ang isang lalaki para hindi nila ilabas ang mga pribadong larawan nito kasama ang isang babae sa motel.
Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikita sa video ng National Bureau of Investigation - Special Action Unit (NBI-SAU) ang pag-aresto sa suspek na si Jimmy Balenzoga at kaniyang angkas na misis na si Josie Balenzoga.
Dinakip si Balenzoga nang kunin niya ang perang iniabot sa kaniya ng complainant. Nagpumiglas pa ang suspek at kaniyang misis nang arestuhin ng mga operatiba.
Nabawi mula sa mag-asawa ang P20,000 na marked money.
Ayon sa sumbong ng lalaking complainant sa NBI, tinangka siyang hingian ng pera ng babaeng naka-date niya matapos niya itong makilala sa isang dating site.
Patagong kumuha ang babae ng mga hubad nilang larawan ng biktima habang sila'y nasa motel, at tinakot niya umano ang biktima na ipapasa sa misis nito ang mga larawan kapag hindi ito nagbigay ng pera.
"Nagawa pang i-manage ng babae itong subject na kontakin itong asawa. Nanghingi pa ito ng pera sa wife para hindi lumabas at kumalat 'yung nude photos and videos," ayon kay Atty. Kristine Dela Cruz, Executive Officer ng NBI-SAU.
"Grupo sila, so sindikato. Alam niya ang different avenues kung paanong paraan pa nila makukuhaan ng pera 'yung mga nabibiktima nila," dagdag ni Dela Cruz.
Iginiit ng mag-asawang dinakip na biktima lang sila at hindi kasabwat.
"Maide-delete daw ang scandal nila, sabi ng babae. Parang na-blackmail po ako ng babae," sabi ni Balenzoga.
Sinabi ni Atty. Dela Cruz na may alam si Balenzoga sa transaksiyon nila kaya kakasuhan ito ng robbery-extortion, paglabag sa RA 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act at paglabag sa RA 10175 o cybercrime law.
Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang inirereklamong babae. — Jamil Santos/DVM, GMA News