Inihayag ng Cebu Pacific nitong Lunes na apat pang local destination ang nagluwag ng patakaran para sa mga bisita at hindi na kailangang magpakita ng negative RT-PCR o antigen test result.
Sa isang pahayag, tinukoy ng airlines ang mga naturang lugar na Bohol, Cebu City, Mandaue City, at Roxas.
Simula sa Oktubre 25, ang mga bibiyahe sa naturang mga lugar ay kailangan lamang na fully vaccinated.
Sa Bohol, kailangan ipakita ang vaccination certificate mula sa vaxcert.doh.gov.ph sa halip na negative RT-PCR test result.
Kailangan din ang government-issued ID at kumuha ng S-Pass approval.
Samantala sa Cebu City, dapat ipakita ang vaccination card na may QR code at valid ID with picture at signature.
Kung walang QR code ang vaccination card, maaaring magpakita ng official vaccination certificate na mula sa local government unit concerned o vaccination certification na mula sa Department of Health (DOH)-BOQ.
Sa mga pasahero na patungong Mandaue City, kailangang magpakita ng official vaccine card o vaccine certificate.
Sa mga magtutungo sa Roxas, tatanggapin ang fully vaccinated person na may valid o verified vaccination certificates at approved travel coordination permits mula sa S-Pass. — FRJ, GMA News