Nakapagtala ng 4,405 na mga bagong kaso COVID-19 sa Pilipinas ngayong Lunes, na mas mababa sa 5,279 na naitala nitong Linggo.
Sa datos ng Department of Health, lumitaw na natapyasan din ang bilang ng mga aktibong kaso, o mga pasyenteng ginagamot at nagpapagaling sa 57,763.
Mas mababa ito kumpara sa 60,957 active cases nitong Linggo.
Sa bilang ng mga aktibong kaso, nakasaad sa datos ng DOH na 76.2% ang "mild" cases, 6.5% ang "asymptomatic," 5.3% ang "severe," at 2.3% ang "in critical" condition.
Umabot naman sa 149 ang mga pasyenteng nasawi, mas mababa sa 208 na iniulat nitong Linggo.
Dahil dito, nasa 41,942 na ang naitatalang death toll ng COVID-19 sa Pilipinas.
Sinabi ng DOH na mayroong 118 kaso na dating nakalagay sa bilang ng mga gumaling ang inilipat sa bilang ng mga pumanaw matapos ang isinagawang final validation.—FRJ, GMA News