Patay ang isang motorcycle rider matapos makabanggaan ang isang kotse sa Maynila, ayon sa ulat ni Mai Bermudez sa Unang Balita nitong Lunes.
Sa kuha ng CCTV, makikitang papadaan ang isang kotse sa intersection ng Solis Street at Abad Santos nang sumalubong sa kaniya ang mabilis na motor bandang 1 a.m.
Kita rin sa CCTV na hindi sumunod sa traffic light ang motorsiklo dahil naka-hinto dapat ito.
Dead on the spot ang rider ng motorsiklo na walang suot na helmet.
Tumba sa kalsada ang motorsiklo habang basag naman ang salamin at nayupi ang pinto ng kotse.
Napag-alaman din na Transportation Network Vehicle Services o TNVS pala ang nagmamaneho ng kotse. May inihatid daw ito na pasareho bago mangyari ang aksidente.
Ayon sa baranggay, madalas ang aksidente sa lugar kapag madaling araw dahil nagiging kampante ang mga motorista lalu na't kakaunti na lamang ang bumibiyahe sa mga oras na iyon.
Ipina-medical pa ang driver ng kotse kaya hindi pa ito makapagbigay ng pahayag. Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang insidente. —Sherylin Untalan/KBK, GMA News