Patay ang isang dating miyembro ng Presidential Security Group (PSG) matapos siyang pagbabarilin sa Santa Ana, Maynila nitong Huwebes. Ang biktima, nakatanggap umano ng mga banta dahil sa mga ilegal na gawain.
Sa ulat ni Mai Bermudez sa "24 Oras Weekend" nitong Sabado, kinilala ang biktima na si Gilbert Fabro, na dati ring pulis at may ranggong police staff sergeant.
Makikita sa CCTV footage ang pagpasok ni Fabro sa driver's side ng isang puting van sa tapat ng isang restaurant sa Tejeron Street sa Barangay 783 nitong Huwebes pasado ala-una ng hapon.
Kasama ng biktima si alyas "Sky," kaibigan na dati ring pulis.
Ilang sandali lamang, isang delivery truck ang pumarada sa tabi ng puting van na sinakyan ni Fabro.
Dumating ang isang lalaking nakasuot ng cap. Bumunot siya ng baril at ikinasa ito saka pinaputukan si Fabro.
Agad na tumakas ang gunman habang nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang biktima.
Isinugod si Fabro sa Santa Ana Hospital ngunit idineklara siyang dead on arrival.
Ayon sa asawa ni Fabro, nakatanggap ang dating pulis ng death threats matapos umano siyang akusahan na sangkot sa mga ilegal na gawain habang nasa serbisyo pa.
"2019, nagpumilit siya patunayan sa sarili niya, 'Kung guilty ako, magtatago ako eh. Hindi ako guilty.' Ang sabi, illegal activities. Ang akin lang, tinanong namin, illegal activities, anong klase? Hindi nila kami binigyan ng detalye," anang asawa ni Fabro.
Napilitan si Fabro na mag-absence without leave noong 2019 dahil sa insidente.
"Dahil trained naman siya, naramdaman niyang may sumusunod sa kaniya palagi. Kung saan-saang shortcut na raw siya dumadaan para lang iligaw 'yung sumusunod," dagdag ng asawa ni Fabro.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong basyo ng .45 na baril.
Iniimbestigahan ng Manila Police District kung may kinalaman sa trabaho ang pamamaslang. — Jamil Santos/DVM/KG, GMA News