Kahit sa edad na 70, naranasan ng isang ginang sa India na maging ina matapos niyang isilang ang kauna-unahang anak nila ng kaniyang mister na 75-anyos na.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing 45 taon nang kasal sina Jivunben Rabar at mister niyang si Maldhari, at naging mahirap sa kanila ang magkaroon ng anak.
Kaya naman nagdesisyon ang mag-asawa na sumailalim sa in vitro fertilization o IVF, kung saan tinatanggal ang egg cell ng babae mula sa obaryo, at ipe-fertilize ito gamit ang sperm cell ng lalaki sa laboratoryo.
Kapag na-fertile na ang egg, saka ito ibabalik sa bahay-bata ng babae para roon na tuluyang mabuo ang sanggol.
Labis ang tuwa ng mag-asawa sa unang pagkakataon na nabuntis si Jivunben, at ang tagumpay na pagkasilang ng sanggol sa kabila ng kanilang edad.
"When they first came to us, we told them that they couldn't have a child at such an old age, but they insisted. They said that many of their family members did it as well. This is one of the rarest cases I have ever seen!" sabi ng doktor na si Dr. Naresh Bhanushali.
Sinabi ng OB-GYN na si Dr. Marc Ancheta na 43% lamang ang tiyansa ng survival ng egg at embryo na kinuha mula sa mga babaeng edad 35 pababa, habang 15.6% ang tiyansa ng survival na kinuha mula sa mga edad 41 hanggang 42. --FRJ, GMA News