Maaaring napigilan ang ginawang panghahalay sa isang babae sa subway sa Philadelphia, na nasaksihan ng nasa 10 pasahero, kung tumawag lamang sana ang isa sa kanila sa 911, ayon sa pulisya.
Nangyari ang panghahalay sa biktima lagpas 9 p.m. noong Oktubre 13 sa isang tren na pinatatakbo ng Southeastern Pennsylvania Transportation Authority (SEPTA), ayon kay SEPTA Transit Police Chief Thomas Nestel III sa ulat ng Reuters.
"As many as 10 people actually saw some part of the attack on this rider," sabi ni Nestel sa Philadelphia radio station na WPHT.
"We were watching to see if somebody put a phone up to their ear indicating they might be calling 911. Instead, what we saw was people holding their phone up as if they were recording or taking pictures," ayon kay Nestel tungkol sa paglalarawan ng pulisya sa surveillance video.
"It may have been stopped sooner if a rider called 911," sabi naman ni SEPTA spokesman John Golden sa isang pahayag.
Ang 911 ang numero sa Amerika para sa emergency services.
Patuloy ang imbestigasyon ng SEPTA at ng Upper Darby Police Department, na hindi muna kinumpirma ang iba pang detalye ng insidente na iniulat ng lokal na media.
Makikita sa surveillance video ng bagon ng tren na tinangka ng babae na pigilan ang suspek, na paulit-ulit na itinulak ang lalaki habang hinihipuan siya nito, hanggang sa halayin na siya nito, ayon sa ulat ng lokal na media.
Hanggang sa tumawag na ng 911 ang isang naka-off-duty na empleyado ng SEPTA, kaya dumating ang pulisya at pinigilan ang panggagahasa at dinakip ang rapist umano, ayon sa SEPTA police.
"He was on top of our victim and committing the assault when they entered the train," sabi ni Nestel.
Inilahad ng ilang women's rights advocates na "despicable" at nakagagambala ang pagkabigong tumawag ng 911 ng mga nakakita.
“My greatest fear about it is two-fold: One is that people just don’t care and the other is that they thought this might have been consensual sexual activity, and that’s what rape looked like to them,” sabi ni Carol Tracy, executive director ng Women’s Law Project sa Philadelphia.
Nahaharap ang suspek na si Fiston Ngoy, 35, sa kasong rape, involuntary deviate sexual intercourse, sexual assault at iba pang kaso.
Inilahad ni Ngoy na nakatira siya sa isang homeless shelter sa Philadelphia.
Pinatawan siya ng $18,000 na piyansa at nakatakdang dumalo sa court hearing sa Oktubre 25, ayon sa lokal na media.
Sinabi ng suspek na may pahintulot ng biktima ang nangyari, bagay na itinanggi ng babae. —LBG, GMA News