Nakunan sa video ang ginawang pambibiktima ng palit-pera modus ng isang lalaki sa kahera ng grocery store sa Quezon City. Ang may-ari ng grocery store, namukhaan ang lalaki na nambiktima rin sa kaniya noon.
Sa ulat ni Jun Venaracion sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita sa video ni Jocel Hermosa na tila regular na customer lang na pumasok sa grocery store ang suspek nitong Oktubre 3 sa Brgy. Kaunlaran.
Halagang P1,000 ang ipinambayad ng suspek para sa kinuha niyang tsitsirya. Pero nang tanggapin na ng kahera ang bayad, saka naglabas ang suspek ng barya mula sa kaniyang bag.
Pagkasauli ng kahera ng P1,000 na unang ibinigay ng lalaki, tinanggap ito ng kaliwang kamay ng suspek saka ipinasok sa bag.
Gamit ang kaniyang kanang kamay, inilabas naman niya sa bag ang P100 para ipakita sa kahera na P100 lang ang naibalik at hindi P1,000.
Pero ayon sa kaherang si Elyza Galagar, hindi lang panglilito ang ginawa sa kaniya ng lalaki.
"Tinataasan niya ako ng boses niya. 'Hindi ako manloloko, hindi ako ganu'n. Hindi ako ganito.' Binigay ko na lang kasi may customer pa sa likod ko," anang kahera.
Hindi pa nakuntento ang suspek, at nagpabarya pa kahit wala namang iniabot na buo.
Nagbigay na lang ang kahera dala ng kaniyang kalituhan.
Halagang P1,900 sumatotal ang nakuha ng suspek.
Hindi na pinabayaran ng may-ari ng grocery store ang nawalang kita dahil naunawaan niya ang nangyari sa kaniyang kahera.
Inihayag ng may-ari na nabiktima rin siya ng kaparehong modus.
Nang makita ang CCTV video, naalala ng may-ari na ito rin ang suspek na nambiktima sa kaniya noon.
Naka-blotter din sa Barangay Kaunlaran ang insidente, kung saan may natanggap ding report ang na may mga nabiktima na rin pala na kaparehong modus sa kalapit nilang barangay.--Jamil Santos/FRJ, GMA News