Patay ang isang 14-anyos na binatilyo matapos siyang barilin sa gitna ng rambulan ng mga kabataan sa oras ng curfew sa Tondo, Maynila. Ang biktima, pinagpapalo pa kahit nakabulagta na.
Sa ulat ni Jonathan Andal sa GTV "Balitanghali" nitong Biyernes, mapapanood sa CCTV ng Brgy. 252 sa Tondo na nasa labas pa rin ang mga kabataan kahit oras na ng curfew, para makipagrambulan sa isa pang grupo.
Nakunan ng CCTV video ang rambol sa Abad Santos Avenue sa Maynila nitong Huwebes ng madaling araw.
May dalang pamalo ang ilan sa kanila habang may pambato naman ang iba.
Ilang saglit pa, may kabataan nang nagpaputok ng umano'y pen gun kaya bumulagta ang binatilyong biktima, ayon sa pulisya.
Agad na umatras ang grupong nagpaputok pero may isa pa silang kasamahan na tumawid mula sa kabilang kalsada saka pinagpapalo ang nakabulagta nang binatilyo.
Isinugod sa tricycle ang bumulagtang binatilyo, pero hindi na umabot nang buhay sa ospital.
Nadakip naman ng mga pulis ang 19-anyos na si John Caide Romero, pero iginiit niyang nanonood lang siya sa rambulan at napagbintangan lamang dahil kilala siyang nakikipagramubalan sa lugar dati.
Ayon kay Romero, kilala niya ang nagpaputok ng pen gun sa biktima, pati ang lalaking pumalo rito.
Dagdag pa ng suspek, nagsimula ang rambol sa hamunan ng "big war" sa kanilang group chat.
"Pagpunta namin, hinabol kami ng mga pulis, tapos kami ng asawa ko, nagtago kami sa motor... Biglang bumalik ang mga kasama ko, nagwa-war na sila," dagdag ng suspek.
Sinabi ng barangay na may rumoronda namang mga tanod at pulis sa lugar pero tsinitsempuhan umano ito ng mga kabataang nagrarambol.
Iniimbestigahan na ng mga pulis ang insidente.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News