Isang lalaki ang nasawi matapos sumiklab ang sunog sa residential area sa Port Area sa Maynila na nakaapekto sa 150 pamilya.
Sa ulat ni Corinne Catibayan sa GTV "Balitanghali" nitong Huwebes, sinabing pasado 6 p.m. ng Miyerkoles nang mabulabog ang mga residente ng Bgy. 649 Port Area dahil sa biglang pagsiklab ng apoy sa kanilang lugar.
Sinabi ng isang nasunugan na may narinig siyang malakas na pagsabog mula sa nagluluto umanong kapitbahay.
Sinabi ng Bureau of Fire Protection (BFP) na nagsimula ang apoy sa unang palapag ng isang bahay malapit sa Block 15.
Nasawi ang lalaking may-ari ng bahay na na-trap umano sa banyo. Sugatan naman ang kaniyang anak, na dinala sa ospital.
Nanuluyan naman sa Baseco Evacuation Center ang mga residenteng nawalan ng bahay.
Sa gitna ng sunog, ilang tao pa ang nagkasuntukan pero hindi malinaw ang dahilan ng away.
Nahirapan kumilos ang mga bumbero sa dami ng mga residente na nasa labas, at hindi nasunod ang health protocols dahil siksikan ang mga tao, ayon sa BFP.
Tinatayang nasa P1 milyon ang halaga ng pinsala.
Patuloy ang imbestigasyon ng BFP hinggil sa pinagmulan ng sunog, na umabot sa ikalawang alarma at naapula matapos ang mahigit tatlong oras.--Jamil Santos/FRJ, GMA News