Lima ang nasawi, habang dalawang iba pa ang sugatan sa ginawang pamamana ng isang lalaki sa Kongsberg, Norway. Ang isa sa mga sugatan, pulis.
Sa ulat ng Reuters, sinabing naaresto ng mga awtoridad ang suspek, na mag-isa umanong isinagawa ang krimen.
"The man used a bow and arrow ... for some of the attacks," sabi ni police chief Oeyvind Aas.
Inaalam pa ng mga awtoridad kung gumamit ng iba pang armas ang salarin at ano ang kaniyang motibo.
"The man has been apprehended ... from the information we now have, this person carried out these actions alone," ayon kay Aas.
Isa sa mga nasugatan ay isang off-duty police officer.
Inilathala naman sa pahayagang VG ang larawan ng isang bala ng pana na nakatusok sa labas ng isang establisimyento.
Magsasagawa ng malalim na imbestigasyon ang pulisya sa nangyaring insidente.
"The reports coming from Kongsberg tonight are horrifying," sabi ni Prime Minister Erna Solberg sa news conference.
"I understand that many people are afraid, but it's important to emphasise that the police are now in control," pagtiyak niya.
Kasunod ng insidente, inatasan ng pamunuan ng pulisya na magdala ng armas ang lahat ng kapulisan.
Karaniwan umanong hindi armado ang Norwegian police pero maaari silang kumuha ng baril kung kailangan.
"This is an extra precaution. The police have no indication so far that there is a change in the national threat level," ayon sa pahayag ng pamunuan ng pulisya.
Sinabi ni Aas na aalamin nila kung act of terrorism ang insidente.--FRJ, GMA News