Inihayag ng presidential aspirant na si Senador Panfilo Lacson na mayroon silang "surprise candidate" ng running-mate niyang si Senate President Tito Sotto sa senatorial race sa Eleksyon 2022.
“Mayroon kaming surprise candidate pa…Locked in na. Ibig sabihin talagang sasama siya sa amin bilang isang candidate for the Senate,” pahayag ni Lacson sa Pandesal Forum nitong Huwebes.
Ilalabas daw nila ang kanilang kompletong listahan bilang mga pambato sa Senado sa November 15, ang deadline sa period of substitution ng mga kandidato.
Gayunman, sa halip na 12, posibleng 14 umano ang manukin nila sa senatorial race at ipapaubaya na lang nila sa mga botante kung sino ang karapat-dapat na maging 12 senador.
“Ang initial plan namin is to adopt all 14 and we are only adopting them and we will campaign because we feel that they are the ones qualified to go to be elected as senators of the republic,” ayon kay Lacson.
Ang 14 na kandidato ay mula sa Partido Reporma, na pinamumunuan ni Lacson; Nationalist People’s Coalition, na pinamumunuan ni Sotto; at iba pang lapian.
“Most of them are either incumbent senators or comebacking senators and these are our colleagues one time or the other,” ani Lacson.
“Sobra pero mabuti nang sobra kaysa kulang-kulang. After all, this is democracy. Kung piliin man namin ang labing apat, at the end of the day, iwanan namin sa Filipino people sa electorate, kung sino ang pipiliin nilang labing-dalawa,” dagdag ng senador.
Naniniwala si Lacson na kuwalipikado ang 14 na kandidato para maging senador, at magkakatugma ang kanilang mga adbokasiya at plataporma.
Sa ngayon, pasok na sa senatorial slate ng Lacson-Sotto tandem sina:
Sorsogon Gov. Francis ‘Chiz’ Escudero
Antique Rep. Loren Legarda
Sen. Juan Miguel ‘MIgz’ Zubiri
Sen. Sherwin Gatchalian
Sen. Joel Villanueva
Sen. Richard Gordon
Former Sen. JV Ejercito
Former Makati Rep. Monsour Del Rosario, at
Dr. Minguita Padilla
Nauna nang sinabi ni Lacson na nakikig-usap siya kina dating Agriculture Secretary Manny Piñol at broadcaster Raffy Tulfo. Gayunman, hindi niya nabanggit ang dalawa sa forum.-- FRJ, GMA News