Natagpuang patay at may mga tama ng bala ang isang babae sa inuupahan niyang bahay sa Malate, Manila.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules,  sinabi ng ilang residente na dalawang putok ng baril ang nadinig nila bago nakita ang bangkay ng biktima.

Sinabi naman ni Barangay 704 chairman Guillermo Friera, na hindi niya masabing residente sa lugar ang biktima dahil madalas daw itong umaalis.

Gayunman, nasa drug watchlist daw ang babae.

"Mayroon pong isang nakakita doon sa pamamaril. Bukod po sa naka-mask, naka-jacket daw po na itim. Ngayon po ay nakikipag-ugnayan ako sa kapulisan," ayon sa punong barangay.

Bagaman may CCTV camera sa lugar pero sira umano ito.

"Identified na rin naman natin itong mga suspek na ito. Ongoing ang ating follow-up... Involved ito sa illegal drug activities, 'yon ang tinitingnan nating anggulo diyan at motibo," ayon kay Manila Police District spokesperson Police Captain Philip Ines.--FRJ, GMA News