Inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) nitong Miyerkules ang rekomendasyon na ilagay sa mas maluwag na Alert Level 3 mula sa kasalukuyang Alert Level 4 ang National Capital Region (NCR) simula sa October 16, 2021 hanggang October 31, 2021.
Sa ilalim ng Alert Level 3, ang mga establisimyento bukod sa mga restaurant at personal care services ay papayagang mag-operate sa 30% venue capacity anuman ang vaccination status ng kostumer.
Ang iba pang papayagan na mag-operate sa Alert Level 3 ay ang mga museum, library, internet cafe, billiard halls, amusement arcades, casinos, cockfighting, lottery, gyms, spas, leisure centers, at iba pa.
Nitong Martes, inihayag ni Paranaque Mayor Edwin Olivarez, pinuno ng Metro Manila Council, iigsian na ang curfew sa rehiyon mula 12 midnight hanggang 4 a.m., simula sa October 13.
Ang pagluluwag ng alert level sa NCR ay bunga ng pagbaba ng COVID-19 cases sa rehiyon.--FRJ, GMA News