Labing-isa katao ang nasawi at pitong iba pa ang nawawala sa pananalasa ng bagyong "Maring," ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Martes.
Sa 5:30 p.m. update, sinabi ng NDRRMC na tatlong iba pa ang nasugatan sa pananalasa ng bagyo na kumikilos pakanluran sa West Philippine Sea.
Ayon pa sa NDRRMC, bina-validate pa nila ang mga natatanggap na ulat tungkol sa bilang ng mga nasawi at nawawala.
Nasa 19,147 katao ang naapektuhan ng bagyo, at mayroong 3,221 na sumilong sa mga evacuation center.
May naitala ring 45 lugar na binaha at 14 na landslide incident sa Region 1, Region 2, MIMAROPA, Region 6, CARAGA, at CAR.
Mayroon namang 44 na kalsada at 10 tulay ang hindi nadaanan sa mga apektadong lugar sa Region 1, Region 2, MIMAROPA, at CAR.
Ayon sa PAGASA, makalalabas ng Philippine area of responsibility ang bagyo ngayong umaga ng Martes dakong 11 am.
Kikilos ang bagyo pakanluran at inaasahang magla-landfall sa Hainan, China sa Miyerkules ng gabi.—FRJ, GMA News