Inaresto ng mga pulis nitong Sabado ng gabi sa Mandaluyong City ang aktor na si Jake Cuenca matapos umanong mabangga ng kanyang SUV ang isang sasakyang gamit ng mga pulis.

Ayon kay Eastern Police District (EPD) director Police Brigadier General Matthew Bacay, dumaan ang SUV ng aktor at nabangga nito ang sasakyan ng mga pulis bandang alas-nuwebe ng gabi.

Hindi raw tumigil ang SUV kaya hinabol ito ng mga pulis hanggang makarating sila sa may Shaw Boulevard sa Pasig City, kuwento ni Bacay sa panayam sa Dobol B TV nitong Linggo.

Nang maabutan ng mga pulis ang SUV, doon na nakilala ang driver na si Cuenca.

Ayon kay Bacay, kasalukuyang sumasailalim si Cuenca sa medical examination nitong Linggo ng umaga.

Itinakda ang inquest proceeding nitong Linggo para magsasampa ng kasong reckless imprudence resulting in damage to property ang Mandaluyong Police laban sa aktor, ngunit ayon sa sa ulat ni Corinne Catibayan sa "24 Oras Weekend," ang inquest proceeding ay hindi natuloy ng araw na iyon.

Wala pang naitatalang bagong petsa para sa imbestigasyon pero si Cuenca ay nakalaya na mula sa istasyon kaninang alas kuwatro ng umaga.

Samantala, ang apat na pulis na namaril sa sasakyan ng aktor at aksidenteng nakatama ng isang delivery rider ay sumasailalim sa restrictive custody.

Sinisikap pa ng GMA News kuhanin ang panig ni Cuenca.

Wala naman daw ilegal na nakita sa loob ng SUV ni Cuenca.

 

 

Delivery rider, nasaktan

Samantala, nang hinahabol ng mga pulis ang SUV, nagpaputok ang mga ito at may stray bullet na nakatama sa isang Grab driver.

"In the course of the chase nila, 'yung mga personnel natin had to disable 'yung sasakyan, pinaputukan 'yung gulong. May tinamaan na Grab driver," ani Bacay.

Dinala sa ospital ang biktima at siya ngayon ay nasa stable condition na.

"I have instructed the chief of police of Mandaluyong, si [Police] Colonel Mel Unos, to take care of all the needs of the victim," ani Bacay.

"Very unfortunate 'yung incident. Siguro 'yung mga personnel natin mataas pa 'yung adrenalin because ongoing 'yung operation natin, nakahuli ng marijuana doon sa Mandaluyong. And then this is a very unfortunate incident. Walang may gusto nito," dagdag niya.

Samantala, nasa kustodiya na ng pulis ang sasakyan ng aktor. Isasailalim ito sa imbestigasyon ng Scene of the Crime Operation team.

Siniguro naman ni Bacay na magiging patas ang imbestigasyon sa insidente, ayon sa ulat ni Rod Vega sa Dobol B TV.

 

 

Iimbestigahan din daw ang mga pulis na humabol kay Cuenca upang malaman kung sino ang nagpaputok at kung nasunod ang standard operating procedure.

Nagpunta ang ama ni Cuenca sa Mandaluyong Police station nitong madaling araw ng Linggo at inireklamo na para umanong trinatong kriminal ang actor.

Ayon sa ama ni Cuenca, pinadapa raw ang aktor sa kalye at pinosasan.

Sabi naman ng EPD, ganoon ang normal na proseso.

Heavily tinted din daw ang sasakyan ni Cuenca kaya't nag-ingat ang mga pulis, dagdag nila.

Hindi naman daw sinadya ni Cuenca na magpahabol, ayon sa kanyang ama.

Natakot daw ito at sa pagkataranta niya ay pinatakbo na lang ang sasakyan.

Sagot naman ng EPD, normal naman na habulin ng pulis ang isang sasakyang hindi tumigil. —with Franchesca Viernes/KG/BM, GMA News