Si Davao City Mayor Sara Duterte pa rin ang nangunguna sa listahan ng mga pagpipilian sa posibleng maging presidential candidates sa Eleksyon 2022, batay sa pinakabagong Pulse Asia. Sa listahan ng posibleng vice presidential bets, naungusan ni Senate President Tito Sotto si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa survey na ginawa ng Pulse Asia noong September 6 -11, nakakuha si Mayor Sara ng 20% rating, mas mababa sa 28% na rating niya noong Hunyo.
Ang Mindanao pa rin ang nagsisilbing balwarte ni Mayor Sara kung saan nakakuha siya ng 47% na suporta. Sunod nito ang Visayas (23%), Metro Manila (12%) at pinakamababa ang Balanced Luzon (8%).
Pumangalawa kay Mayor Sara si dating senador Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr. na may 15% points, kasunod si Manila Mayor Francisco 'Isko Moreno' Domagoso (13%) at Senator Emmanuel 'Manny' Pacquiao (12%).
Pang-lima si senador Grace Poe (9%), kasunod sina Vice President Leni Robredo (8%), at senador Panfilo Lacson (6%).
Ginawa ang naturang survey bago magdeklara sina Pacquiao at Moreno na tatakbo sila sa pagka-pangulo.
VP bets
Samantala, naagaw ni Sen. Tito Sotto kay Pangulong Duterte ang pangunguna sa listahan ng mga pinagpipilian na posibleng maging vice president bets.
Sa survey ng Pulse Asia, nakakuha si Sotto ng 25% rating kontra sa 14% ni Duterte (14%). Pumangatlo naman si Moreno (12%), na sinundan nina Marcos (12%) at Pacquiao (7%).
Sa survey noong June, nakapuntos si Duterte ng 18%, na sinundan nina Moreno (14%), Sotto (10%), Marcos (10%) at Pacquaio (9%). --FRJ, GMA News