Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos siyang magpanggap na engineer at mameke ng mga building at electricity permit sa Pasig City.
Sa ulat ni Mai Bermudez sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabing nadakip sa isang entrapment operation ang suspek noong Martes ng gabi, dahil sa pagpapanggap niya na engineer sa ipinagagawang bahay.
Kuwento ng biktima, kinontrata niya ang suspek para sa pagsasa-ayos ng aplikasyon ng building permit at permit sa pagpapakabit sa linya ng kuryente.
Umabot sa P328,000 ang nakuha umano ng lalaki sa biktima kapalit ng agarang pagpoproseso ng mga permit.
Humingi ang biktima ng tulong sa mga pulis at nang ipasuri sa city hall ang mga dokumento. Dito na nadiskubreng hindi awtorisado ang suspek na magproseso ng mga nabanggit na aplikasyon.
Lumalabas ring peke ang certificate of final inspection na isinumite ng suspek para makabitan ng linya ng kuryente.
"Kasi digital po 'yung pirma and never daw pong pumirma ng digital si Kap. Buboy. Aside from that, may dalawa pang engineer na may pangalan doon, however 'yung mga pirma rin po nila ay fake," anang biktima.
Depensa ng suspek, katransaksiyon niya umano ang isang tauhan sa Pasig City Engineering Office na tumanggap ng bayad para iproseso ang mga papeles.
"Hindi ko rin alam kung anong nangyari, kasi supposedly ibinigay 'yan sa akin ng ibang tao na, hindi na 'yung kausap ko," sabi ng suspek.
"Meron po kaming kausap na isang tao. Meron pong building official na kausap kami [sa city hall,] Francis Ronquillo po, sa kaniya po kami nagbigay ng pera," dagdag ng suspek.
Mag-iimbestiga ang mga pulis kung totoo na may tauhan ng city hall na umano'y nagproseso ng dokumento. —Jamil Santos/LBG, GMA News