Nasawi ang isang lalaki samantalang kritikal ang kaniyang live-in partner matapos silang pagbabarilin sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Rizal, Makati City.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Martes, sinabing binulabog ang mga residente ng Mockingbird Street ng magkakasunod na putok ng baril dakong 8 p.m. nitong Lunes.
Pinagbabaril ng salarin sina Maria Lourdes Cabello at isang alyas "Junior," na parehong walang trabaho.
Ayon sa anak ng biktima, napansin nilang may umaaligid sa bahay. Ilang saglit lang ang lumipas, pinasok na sila ng isang hindi kilalang lalaki.
"Nasa itaas po kasi kami ng bahay na dalawa ni mama, 'yung isa po na stepfather ko is nasa ibaba po, naghuhugas siya ng kawali. Then may nakita ho akong isang lalaki na sinisilip po 'yung mama ko. Pag-akyat kasi ng hagdanan makikita agad 'yung higaan ng mama ko na may nakaharang na kurtina," sabi ng anak ng biktima.
"Sinisilip ko siya tapos bigla na lang akong may narinig na putok ng baril," pagpapatuloy ng anak ng biktima.
Napasigaw ang dalaga hanggang sa makarinig siya ng pangalawang putok.
Duguan na ang mag-live-in partner nang datnan ng kanilang anak.
Agad naman siyang humingi ng tulong sa kaniyang mga kamag-anak.
Nagtamo ang mga biktima ng tama ng bala sa pisngi at sentido at agad silang dinala sa ospital.
Namatay kalaunan si Junior samantalang dinala sa intensive care unit si Cabello.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, may kasamang lookout ang hitman.
Dumaan sa likurang bahagi ng eskinita ang dalawang suspek at tumakas.
Ayon sa anak ng biktima, semi-kalbo ang lalaki, may kalakihan ang katawan at nakasuot ng jacket na itim.
Palaisipan pa rin sa mga awtoridad ang posibleng motibo sa krimen.
"Sana makonsensya na lang po sila kasi wala naman hong ginawang masama 'yung mama ko para gawin nila sa amin 'yun," anang anak ng biktima.--Jamil Santos/FRJ, GMA News