Kasabay ng pagpapatupad ng Alert Level 4 status sa sitwasyon ng COVID-19 sa National Capital Region simula sa September 16, 2021, iigsian naman ang ipinatutupad na curfew sa rehiyon.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos, magiging 10 p.m. to 4 a.m. ang curfew sa Metro Manila.
Ang pagpapatupad ng "Alert Level" ay paglipat sa COVID-19 status sa tinatawag na "granular lockdowns." mula sa "community quarantine."
READ: NCR under Alert Level 4 starting Sept. 16, 2021 —Año
"Ito ho'y inuusad na. Nagbotohan kami (Metro Manila mayors), ilalabas namin ang resolution na ang implementasyon isasabay sa pilot, magiging 10 ng gabi hanggang 4 ng umaga," pahayag ni Abalos sa Palace briefing nitong Martes.
Sa kasalukuyan, 8 p.m. to 4 a.m. ang umiiral na curfew sa NCR sa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ) mula pa noong August 21 at matatapos sa September 15.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año nitong Martes, nagkasundo ang mga alkalde sa NCR na gawing isang alert level na lamang ang ipatupad sa rehiyon.
Batay sa panuntunan ng pamahalaan, sa Alert Level 4 (na ikalawa sa pinakamataas na alert level), mayroong mataas na kaso ng COVID-19 o mataas ang beds at ICU beds utilization rate sa mga ospital. —FRJ, GMA News