Ngayong National Heroes' Day, ilang Pinoy artist ang gumawa ng kanilang mga obra na handog para sa mga yumaong bayani at sa tinaguriang mga "makabagong bayani."
Isang leaf art ang ibinida ng artist mula sa Laguna na si Mary Mae Dacanay bilang paggunita sa selebrasyon.
Inukit ni Dacanay sa dahon ng camansi sa loob ng limang oras ang imahe ang imahe ng iba't ibang frontliners at health workers, kasama ang mga bayaning sina Marcelo H. del Pilar, Emilio Aguinaldo, Jose Rizal, Apolinario Mabini, at Lapulapu.
Aniya, handog niya ito para sa mga itinuturing "modern-day heroes."
"Unang kagat, lumaban agad" naman ang caption ng "palaman artwork" na ito ng artist at seaman mula sa Iloilo na si Jaypee Bacera Magno.
Gamit ng toothpick at palaman na tsokolate, nilikha niya ang imahe nina Juan Luna, Jose Rizal, Andres Bonifacio, Marcelo H. del Pilar, Emilio Aguinaldo, Gabriela Silang sa sliced bread.
Ayon kay Magno, inabot siya ng anim na oras sa paglikha ng palaman artwork. Handog niya rin daw ito sa mga kapuwa niya bayaning OFW.
Taas-noo namang ibinahagi ng artist na si Francis Diaz ang kaniyang "bubog art" para sa mga makabagong bayani.
Tampok rito ang mga bubog na idinikit sa canvas board sa loob ng dalawang oras upang mabuo ang imahe nina Jose Rizal, Marcelo H. del Pilar, Teodora Alonzo, Lapulapu at Andres Bonifacio, kasama ang mga frontliners na tila naka-face mask.
"Sa panahon ngayon, hindi na kailangang magbuwis ng buhay para ipakita ang pagmamahal sa bayan. Frontliners ngayong panahon ng pandemya ang mga makabagong bayani, kaya saludo kami sa inyo," ayon kay Diaz.--FRJ, GMA News