Mistulang nagkalat ng COVID-19 ang isang guro sa Marin County, California, nang makapanghawa siya ng virus sa 26 katao, kabilang ang 12 niyang batang estudyante, ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ng Amerika.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabi ng CDC na hindi bakunado ang guro at wala ring suot na face mask sa kabila ng kautusan na dapat gamitin ito kapag nasa loob ng kuwarto.

Lumitaw sa imbestigasyon ng CDC na dumalo ang guro sa isang pagtitipon noong May 13-16, at nakaramdam ng sintomas noong May 19. Pero dalawang araw pa bago siya nagpa-COVID-19 test sa pag-aakalang dahil sa allergy ang kaniyang sintomas.

"On occasion during this time, the teacher read aloud unmasked to the class despite school requirements to mask while indoors," ayon sa pagsisiyasat na ginawa sa nangyaring hawahan.

Sa sumunod na araw, ipina-COVID-19 test na ang 24 na estudyante ng guro na hindi pa mga bakuna dahil edad 12 pa lang sila pababa. Sa nasabing bilang, 12 ang nagpositibo sa virus.

Walo sa 10 estudyante ang nakaupo sa unang dalawang hanay ng classroom, habang apat naman sa 14 na nakapuwesto sa huling hanay ng classroom.

Anim na estudyante pa sa ibang klase ang nagpositibo rin.

Ang ibang mga estudyante, nahawahan naman ang kanilang mga kaanak. 

Ipinag-uutos ng paaralan ang paggamit ng face mask sa mga estudyante, dapat magkalayo ng six feet ang lamesa, bukas ang bintana, at may high-efficiency particulate air (HEPA) filter sa harapan.

Sa isinagawang genetic sequencing, lumilitaw na magkakasama ang mga nagpositibo sa iisang outbreak, at pinapaniwalaang Delta variant ito.

Sa mga nagpositibo, 22 ang nakaranas ng sintomas ng sakit tulad ng lagnat, ubo, sakit ng ulo at mangangati ng lalamunan.

Wala naman sa kanila ang naospital.

"The outbreak's attack rate highlights the Delta variant's increased transmissibility and potential for rapid spread, especially in unvaccinated populations such as schoolchildren too young for vaccination," ayon sa gumawa ng report sa CDC

Bukod sa kailangang mabakunahan ang mga nagtatrabaho sa mga paaralan, kailangan din ang ilang estratehiya tulad ng pagsusuot ng face mask, distancing, ventilation, at manatili sa bahay kapag may naramdamang sintomas.-- AFP/FRJ, GMA News