Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos niyang tutukan ng patalim at i-hostage ang isang binatilyo sa Caloocan City.

Sa ulat ni Mai Bermudez sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, sinabing nangyari ang hostage-taking incident sa C3 Road, Barangay 14.

Makikita sa isang video na atras-abante ang suspek na kinilalang si Anthony Soriano, 32-anyos, habang hawak niya ang patalim at tinututok ito sa tagiliran ng binatilyo.

Base sa salaysay ng pulisya, naglalakad sa C3 Road ang binatilyo kasama ang kaniyang pamilya, nang bigla siyang yakapin ni Soriano at i-hostage.

Dagdag ng mga awtoridad, hindi makausap nang maayos ang suspek.

Habang isinasagawa ang negosasyon, hinahanap niya ang kaniyang asawa na nagngangalang Elizabeth.

Umabot ng halos isang oras ang negosasyon ng mga awtoridad sa suspek.

Nang makakuha ng oportunidad ang tauhan ng SWAT, dinakma na nito ang suspek kaya napadapa ito.

Dito na nabitawan ng suspek ang biktima at napasakamay siya ng mga awtoridad.

Dinala sa Caloocan City headquarters ang suspek, na hinihinalang gumagamit ng ipinagbabawal na droga.

Sasailalim ang suspek sa drug test.

Isinugod naman sa Caloocan City Medical Center ang biktima para sumailalim sa medical procedure.

Nagkaroon ng mga sugat sa katawan ang biktima dala ng pagkakatusok ng patalim.

Inihahanda ang mga isasampang samu't saring reklamo laban sa suspek, na kinuhanan ng pahayag pero hindi na nagsalita. —Jamil Santos/LBG, GMA News