Sa kulungan ang bagsak ng isang lalaki matapos niyang undayan ng saksak umano ang tatlong food delivery riders sa Barangay Culiat, Quezon City.
Ayon sa salarin, kamukha ng isa sa mga biktima ang nagdiin sa kaniya sa krimen na dahilan ng pagkakakulong niya ng walong taon.
Sa ulat ni James Agustin sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, makikita sa CCTV ng QCPD Station 14 na pilit pinasusuko ng mga pulis ang suspek na inabutan sa bubong ng isang bahay sa Sitio Mabilog.
Pinadadapa ng mga awtoridad ang lalaki, pero ayaw niyang dumapa. Maya-maya pa, dinakip na siya ng mga pulis at pinosasan.
Kinilala ang suspek na si Michael Atienza, na hinabol ng mga pulis at taumbayan matapos saksakin ang tatlong food delivery riders.
Nagtamo ng sugat sa kaliwang braso ang unang biktima, na katatapos lang mag-deliver ng pagkain nang lapitan ng salarin.
"Nagulat po siyempre, hindi ko naman alam kung ano ang kasalanan ko du'n. Tapos bigla bigla na lang siyang susugod ng ganu'n. Nakita ko pa pinagtatapon ang cellphone ko, basag-basag ang cellphone ko," anang unang biktima.
Sunod nito, inundayan din ng saksak ng suspek ang isa pang rider, na nadaplisan sa tagiliran.
Katatapos lang ding mag-deliver ng ikalawang rider noon.
"Bigla pong may humarang sa akin, sasaksakin po ako. Buti po nakailag din ako tapos pinapahinto niya rin po ako. Nadaplisan po ako sa tagiliran, 'yung bag ko po 'yung natamaan, nabutas po," sabi ng ikalawang rider.
Nagtamo naman ng sugat sa tuhod ang ikatlong biktima matapos sumemplang ang kaniyang motorsiklo.
Dalawang beses na tinangka ng suspek na saksakin ang ikatlong biktima.
"Biglang may sumalubong sa akin na ganu'n, sasaksakin ako, sumigaw pa siya ng 'holdup 'to.' Tapos nu'ng pagkasaksak niya nakailag ako, pagkailag ko sumemplang ako," sabi ng pangatlong biktima.
Umamin ang suspek na sinaksak niya ang mga rider dahil kamukha ng isa sa kanila ang nagdiin daw sa kaniya kaya nabilanggo siya ng walong taon sa kasong robbery with homicide.
"Nag-reflect lang 'yung kakilala ko na unang pumatay doon sa dahilan ng pagkakakulong ko na ako 'yung nagdusa. Nag-reflect sa alaala ko, sa paningin ko doon sa tao pagtingin ko sa kaniya," sabi ni Atienza.
Nang tanungin kung paano niya namukhaan ang taong nagdiin sa kaniya, kahit naka-mask, "'Yung pangangatawan, kilay tsaka 'yung mata" ang kaniyang sagot.
Isang kutsilyo ang nabawi mula sa suspek, na mahaharap sa reklamong three counts ng attempted homicide. —Jamil Santos/LBG, GMA News