Matapos ng mga pang-iinsulto, sinabi ni WBC world bantamweight champion Nonito Donaire Jr. na puro daldal at pasikat lang ang kapwa niya Pinoy boxer na si WBO world bantamweight champion John Riel Casimero.

Sa post kamakailan ni Donaire sa kaniyang verified Facebook account, sinabi niya na taliwas sa mga inilalabas ni Casimero sa social media, wala pa raw nakikipag-usap sa kaniyang kampo.

"Contrary to what is being presented on social media, all the antics and TALK,  Quadro Alas It's my boy [Casimiro)  and Sean Gibbons have YET to contact our promoter, Richard Schaefer, about wanting to fight," ayon kay Donaire.

Sabi pa ni Donaire, pinag-aaralan nila ang lahat ng "real" options pero hindi nila papatulan ang mga pakulo sa social media.

"We r currently weighing all REAL options and will not entertain social media wars when it is apparent it was just talk," sabi pa niya.


Sa isang panayam kamakailan kay Casimero, ininsulto niya si Donaire matapos niyang talunin si Guillermo Rigondeaux.

Nakalaban ni Casimero si Rigondeaux matapos na hindi matuloy ang laban nila ni Donaire.

Noong 2013, naglaban sina Donaire at Rigondeaux, pero natalo ang Pinoy boxer.

"Hindi ka nahihiya nun (Donaire)? Yung nambugbog sa'yo papatulugin ko sana kung hindi lang tumakbo. Ang hina pala nung bumugbog sa'yo," pasaring ni Casimero kay Donaire.

Bukod kay Donaire, pinatamaan din ni Casimero ang Japanese boxer na si Naoya Inoue,  ang kasalukuyang World Boxing Association (WBA) at International Boxing Federation (IBF) world bantamweight champion.

Sa isang tweet, sinabi ni Inoue,  na hindi niya palalampasin ang pang-iinsulto ni Casimero at handa niya itong labanan.

Ayon kay Casimero, handa niyang sagupain sina Donaire at Inoue kahit sabay pa.--FRJ, GMA News