Inihayag ni Senador Manny Pacquiao na ikinukonsidera niyang labanan muli si WBA champion Yordenis Ugas na maaaring sa Enero 2022.

Si Ugas ang nagpatikim ng ika-walong talo ni Pacquiao sa pamamagitan ng unanimous decision nitong nakaraang Linggo.

Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabi umano ni Pacquiao sa The Athletic website,  na posibleng gawin ang ikalawang laban nila ni Ugas sa Enero 2022.

"Yes, I can come back in January. I will see about it," ani Pacquiao sa website. "I know I can rematch him if I want. I'll just need to tell (promoter) Al Haymon. That would be no problem."

Si Ugas ang naging pamalit na kalaban ni Pacquiao matapos na umatras si WBC and IBF world welterweight champion Errol Spence Jr., dahil sa eye injury.

Matapos ang laban nila ni Pacquiao, sinabi ni Ugas na handa siyang bigyan ng pagkakataon ang Pinoy boxing legend ng rematch.

Sinabi ni Pacquiao sa The Athletic na hindi pa rin siya makapaniwala na matatalo kay Ugas, na itinuturing niyang madaling kalaban.

"I will think about it because I can't believe that one of the easiest opponents I ever faced did that," sabi ni Pacquiao.

Nauna nang sinabi ng kinikilalang Pambansang Kamao, na nakaramdam siya ng pulikat sa binti kaya hirap siyang gumalaw sa kanilang laban ni Ugas.

"He shouldn't have touched me. When I moved here (to the right), I had nothing. You know how I move. You've seen it so many times," ani Pacquiao.

"(Ugas) only had one style, and I should've been able to easily move away -- you've seen how I have moved in my fights before. I couldn't move in this fight. My legs just stopped," dagdag niya. — AFP/FRJ, GMA News