Hinatulan ng korte sa Tarlac na "guilty" ang sinibak na pulis na si Jonel Nuezca dahil sa pagpatay sa isang mag-ina na nakuhanan ng video sa Tarlac noong nakaraang Disyembre.
Bilang parusa, sinintensiyahan ni Judge Stela Marie Asuncion ng Paniqui, Tarlac Regional Trial Court Branch 106, si Nuezca ng "reclusion perpetua," o pagkakakulong ng hanggang 40 taon.
Pinagbabayad din si Nuezca ng danyos na nagkakahalaga ng P952,560.
Disyembre 20, 2020 nang magkaroon ng pagtatalo sina Nuezca at mag-inang Sonia at Frank Anthony Gregorio dahil sa ingay ng putok ng "boga."
May dati rin silang hidwaan tungkol sa "right of way" sa kanilang lugar.
Nakuhanan pa ng video at nag-viral ang malagim na krimen.
Nakatalaga noon si Nuezca sa Parañaque City crime laboratory at umuwi sa kaniyang bahay sa Paniqui, Tarlac.
Matapos ang krimen, kaagad na sinibak si Nuezca sa serbisyo bilang pulis.
Sa desisyon ng korte, nakasaad na hindi batid ng mga biktima na may baril si Nuezca sa mga sandali ng pagtatalo.
“The suddenness and succession of shots fired by the accused indeed rendered the said victims helpless to retaliate the attack made by the accused,” anang korte.
“These fatal wounds that [cost] the lives of the victims are indeed treacherous,” dagdag nito.
Sa panayam ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Atty. Freddie Villamor, abogado ng mga biktima, na masaya at ikinatutuwa ng pamilya Gregorio ang mabilis na pagdinig ng hukom sa kaso.
Una rito, naghain ng "not guilty" plea si Nuezca sa kasong murder na kinaharap niya.—FRJ, GMA News