Ginamit na panakot ng isang ama ang nakita niyang private photos at videos ng 21-anyos na babaeng kinakasama ng kaniyang anak para pagsamantahan at hingan niya ng pera ang biktima.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, makikita ang ginawang pag-aresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation-NBI-Cavite District Office sa 42-anyos na suspek.
Isinagawa ang entrapment operation laban sa suspek sa labas ng isang establisimyento sa Tagaytay kung saan nag-abot ng pera ang biktima sa lalaki.
Ayon sa biktima, nakigamit siya ng cellphone sa suspek para magbukas ng Facebook. Pero nakalimutan niyang mag-log out sa account matapos siyang makigamit.
Dito na raw nakita ng suspek ang mga maselan niyang mga larawan at mga video na nakalagay sa private album.
Ito raw ang ginamit na panakot ng suspek para piliting makipagtalik sa kaniya ang biktima ng ilang beses at nanghingi pa ng pera.
Wala na raw magawa ang biktima kung hindi sumunod sa gusto ng suspek dahil nagbabanta itong ikakalat ang kaniyang maseselang larawan at video kapag tumanggi.
Ayon kay Supervising Agent Jonathan Contreras, Executive Officer, NBI-CAVIDO, ginagawa ng suspek ang pang-aabuso kapag wala doon ang asawa nito.
Nabawi sa suspek ang cellphone na naglalaman ng mga sensitibong larawan ang mga text message ng pananakot niya sa biktima.
Sinisikap pa na makuha ang panig ng suspek na nahaharap sa patong-patong na reklamo, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News