Malaki ang pasasalamat ng isang 70-anyos na ama nang mapalitan ang halos P50,000 na kaniyang inipon sa matagal na panahon pero nasira matapos kainin ng anay.
Nitong Miyerkules, sinabi ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na naibigay na ang pamalit sa nasirang pera ni Adonis Buemia, ice delivery man at may anak na special child.
Naunang itinampok ang kuwento ni Buemia sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," na tumulong naman para maiparating sa BSP ang nangyari sa ipon niyang pera.
Napag-alaman na itinago ni Buemia, ang pera sa kabinet na pinamahayan ng anay.
Sinuri ng BSP Currency Policy and Integrity Department (CPID) ang mga nasirang pera kung puwede pang mapalitan.
Ayon sa BSP, nakipag-ugnayan si BSP Acting Deputy Director Nenette Malabrigo sa bangko na malapit kay Buemia para iendorso ang pagpalit sa mga nasirang pera.
Noong Agosto 11, 2021, natanggap na umano ni Buemia ang perang ipinalit.
"Masayang-masaya talaga ako at napalitan na at naibalik nang buo ang ipon ko. Maraming salamat sa bangko na tinanggap nila ‘yong pera. At maraming salamat sa Bangko Sentral sa lahat ng tulong para mapalitan ‘yong pera ko," ayon kay Buemia.
Ayon sa BSP, may mga regulasyon para malaman kung puwede pang mapalitan ang nasirang pera.
Kabilang dito ang mga sumusunod:
- ang sukat ng pera ay 60% o 3/5th pa ng original size ng pera
- ang bahagi ng kahit ano sa dalawang facsimile signatures ay makikita pa
- mayroon pang security thread maliban kung nasunog, sinira ng insekto o hindi sinasadyang sirain
Para maiwasan ang pagkasira ng inipong pera, hinikayat ng BSP ang publiko na ilagay ang pera sa BSP-supervised financial institutions, tulad ng mga bangko.
May inilabas na circular ang BSP para sa mas madaling pagbubukas ng account na tinatawag na Basic Deposit Account (BDA).
Sa BDA, hindi na umano kailangan ang valid ID, basta may alternatibong dokumento na maipapakita.
Maaaring magbukas ng account kahit P100 lang ang opening deposit, walang maintaining balance at dormancy charges, pero magkakaroon pa rin ng interest o tubo.—FRJ, GMA News