Natigil sa paghahanap-buhay ang isang food delivery rider matapos siyang harangin ng dalawang lalaki, tutukan ng baril at sapilitang kinuha ang kaniyang motorsiklo sa Makati City.
Sa ulat ni Mariz Umali sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nangyari ang insidente noong gabi ng Agosto 18 sa Barangay Pembo.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita ang biktima na si Adrian Gumanit, 21-anyos, na palabas sa maliit na kalsada dala ang pagkain na kaniyang ide-deliver.
Pero pagdating sa kanto, hinarang siya ng dalawang lalaki at tinutukan ng baril.
Wala na siyang nagawa kung hindi bumaba ng motorsiklo at doon na tinangay ng mga salarin ang kaniyang sasakyan.
Kaagad siyang humingi ng tulong sa ilang tao sa lugar at sinubukan nilang habulin ang mga kawatan. Pero nagpaputok ng baril ang ito kaya napakubli na lang sila.
Kuwento ni Gumanit, sinabihan siya ng mga salarin na babarilin sa ulo kung hindi siya bababa ng motorsiklo.
Labis ang panghihinayang ng biktima dahil katatapos lang niyang mabayaran ng hulugan ang kaniyang motorsiklo na second hand.
"Sobrang sakit po kasi doon pa kami kumukuha [ng panggastos] sa araw araw," saad ni Gumamit na hindi makapaghanap-buhay ngayon. "Sana makita na po yung motor ko para makatrabaho na po ako."
Nai-report na sa mga awtoridad ang insidente pero hindi pa rin natutunton ang mga salarin at ang motorsiklo ng biktima.
Nakiusap naman si Gumamit sa umorder sa kaniya na huwag sanang magamit kung hindi niya naihatid ang pagkain.
"Sana huwag po kayong magalit agad kasi hindi n'yo po alam ang nangyari sa akin," saad niya.
Kasabay nito, nagpaabot din siya ng mensahe sa mga tumangay sa kaniyang motorsiklo na makonsensiya sana at ibalik na ang kaniyang sasakyan para makapaghanap-buhay na uli siya.--FRJ, GMA News