Hindi pinalampas ng wala pang talo na Japanese sa boxing champion na si Naoya Inoue ang mga hirit ng pambato ng Pilipinas na si John Riel Casimero.
Sa isang tweet, sinabi ni Inoue, kasalukuyang World Boxing Association (WBA) at International Boxing Federation (IBF) world bantamweight champion, na tatalunin niya si Casimero, ang kasalukuyang WBO world bantamweight champion.
"Once the match with Casimero is decided, I would like to beat it under the rule of boxing. Therefore, we firmly ask for weight management 'doping' management so that the match will be established. I hope this year," sabi ng Japanese fighter.
Sa nauna nitong tweet, sinabi ni Inoue, na hindi siya mananahimik na lang kahit iniinsulto na ang kaniyang pangalan sa publiko.
“Why do we have to be silent when we are so fueled and provoked on live broadcasting. There are people who say various things, but this is a personal remark with Casimero… Please organize a match,” sabi pa niya.
Matapos ang pagkapanalo ni Casimero kay Guillermo Rigondeaux kamakailan lang, binanggit niya habang kinapanayam sa ibabaw ng ring ang mga nais niyang makalaban: ang kapwa Pinoy na si Nonito Donaire Jr. at si Inoue.
Pero sa naturang panayam, nagpakita rin ng "middle finger" si Casimero.
Sa hiwalay na panayam naman, kinutya nang husto ni Casimero si Donaire na umatras sa nakatakda nilang laban.
Handa rin daw si Casimero na sagupain sina Donaire at Inoue kahit sabay pa.
BASAHIN: Banat ni Casimero kay Donaire: 'Ang hina pala nung bumugbog sa'yo'
Natalo kasi si Donaire sa laban nito kay Rigondeaux noong 2013.
Nabigo rin si Donaire kay Inoue noong 2019.
Sa huling laban ni Inoue nito lang nakaraang Hunyo, pinatumba niya ang Pinoy na si Michael Dasmarinas.
Inungkat ni Inoue ang isyu sa "doping" management na isa sa idinahilan ni Donaire kaya hindi itinuloy ang laban kay Casimero.
Sa mga naunang ulat, sinabing hindi umano nagsumite sa takdang oras ang kampo ni Casimero ng Voluntary Anti-Doping Association (VADA) test.
Hindi rin nagustuhan ni Donaire ang pagbabastos umano ni Casimero sa kaniyang asawa.
Noong Nobyembre 2020, hinamon na ni Casimero si Inoue na labanan siya. (Read: Casimero to Inoue: ‘Sign the contract and fight me!’) --FRJ, GMA News