Isang barangay sa Quezon City ang nagpakawala ng mga palakang bukid para panlaban sa mga lamok na nagdadala ng dengue, ayon sa ulat ni Allan Gatus ng Super Radyo dzBB sa Balitanghali nitong Lunes.
Ayon kay Chairman Allan Franza ng Barangay Bagong Balara, aabot sa 1,000 palaka ang kanilang pinakawalan. Galing daw ang mga ito sa Baras, Rizal.
Pinakawalan ang nasabing mga palakang bukid sa iba't ibang creek at sapa na sakop ng Barangay Bagong Balara.
Ani Franza , taun-taon nilang ginagawa ang pagpapakawala ng mga palaka bilang pangontra sa mga lamok na nagdadala ng dengue. Nagsimula raw ang programang ito noon pang 2018.
Bago raw ang pagpapakawala ng palaka ay mataas ang kaso ng dengue sa barangay, ayon pa kay Franza.
Pangunahing pagkain ng palaka ang mga lamok. —KBK, GMA News