"Magtiis muna sa gutom."
Ito ang sinabi ng isang ginang kasunod ng napipintong enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila simula sa Agosto 6, na maaapektuhan ang hanapbuhay ng kanilang anak na inaasahan nila sa kanilang gastusin.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ng mag-asawang Ruben at Marisa Moreno, na hindi sasapat ang P1,000 ayuda na pangako ng gobyerno.
Ayon kay Ruben, mahirap pagkasyahin ang ipinangakong ayuda dahil sa mahal ng mga pangunahing bilihin.
Sa gamot lang umano ni Ruben, gumagastos na sila ng P70 sa isang araw o P490 sa loob ng isang linggo.
"Ang mamahal ang bilihin... kulang na kulang 'yon," saad niya.
Nauna nang inihayag ng Palasyo na P1,000 hanggang P4,000 ang maaaring tanggapin ng bawat tahanan na maapektuhan ang kabuhayan sa ipatutupad na ECQ na tatagal hanggang Agosto 20.
Mayroon umanong nakahandang P15 bilyon ang Department of Budget and Management para sa ayuda pero hindi pa malinaw kung papaano ito maipapamahagi.
Ayon kay Marisa, wala silang magagawa kapag ipinatupad ang ECQ kung hindi ang matiin muli sa gutom.
"Tiis muna kami sa gutom, wala na kami maasahan ma'am e," sabi ni Marisa.
Ipatutupad ang ECQ dahil sa pagsipa na naman ng mga kaso ng COVID-19 na pinaniniwalang dulot ng mas nakahahawang Delta variant.
--FRJ, GMA News