Umaasa si Mansueto ‘Onyok’ Velasco, silver medalist sa boxing sa 1996 Atlanta Olympics, na maibibigay kay Hidilyn Diaz, ang kauna-unahang Olympic gold medalist ng Pilipinas, ang lahat ng mga ipinangakong pabuya sa kaniyang tagumpay na kinabibilangan ng mahigit P40 milyon, house and lot, at iba pa.
Sa panayam ng GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, inihayag ni Velasco na nang manalo siya ng silver medal noong 1996, may mga nangako rin ng gantimpalaya sa kaniya pero hindi lahat ay naibigay.
Kabilang umano ang P2.5 milyon na manggagaling umano sa Kongreso.
“Yung kay Hidilyn, sana matupad lahat para hindi lang si Hidilyn, yung iba pang gustong maging athletes na kabataan, magpursige rin na ganun pala kalaki yung mga ibinibigay,” saad ni Velasco.
Sinabi rin ng dating Olympian na mayroon ding negosyante na nangako sa kaniya ng lifetime allowance na P10,000 bawat buwan pero tumigil na matapos lang ang isang taon.
Hindi rin daw natupad ang pangakong scholarships ng Philippine Navy para sa dalawa niyang anak.
Ang bahay at lupa na ipinangako sa kaniya, natanggap niya pero hanggang ngayon ay hindi rin ibinibigay sa kaniya ang titulo.
“Ang inaano ko na lang sana, yung titulo lang mai-transfer na ba, kasi nakatira ako doon sa bahay, mamaya bigla akong palayasin doon,” sabi ni Velasco.
Ayon kay Velasco, mahalaga ang mga insentibo sa mga atleta para magpursige lalo na sa panahon ng pagsasanay.
Noon panahon niya, wala pang cellphone kaya mahirap umano ang malayo sa pamilya na hindi niya makamusta kung nakakain na.
Matapos ang pagsabak ni Velasco sa Olympic, nagretiro na siya para tutukan ang pamilya.
Naniniwala naman siya na puwede pang magpatuloy sa paglaban si Diaz.
Sa kabila ng kaniyang karanasan, idinadaan na lang ni Velasco sa biro ang lahat.
“Joke joke namin lagi, pinganakuan ka na, gusto mo pa tuparin pa. Dapat matuwa ka na kasi pinangakuan ka na eh,” ayon kay Velasco.--FRJ, GMA News