Umabot sa 8,562 ang mga bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa nitong Biyernes, ang pinakamataas mula noong Mayo 28.
Ayon sa Department of Health (DOH), mayroon pang dalawang laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng datos.
Ngayon, nasa 61,920 na ang mga aktibong kaso, ang pinakamataas din mula noong Mayo 8.
Sa naturang bilang 94% ang "mild" cases, 1.2% ang "asymptomatic," 2.1% ang "severe," at 1.2% ang kritikal ang lagay.
Umabot na sa 1,580,824 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa, habang 1,491,182 naman ang gumaling matapos madagdagan ng 2,854.
Mayroon naman 145 pasyente ang pumanaw para sa kabuuang bilang na 27,722.
Nitong Biyernes ng umaga, inanunsyo ng Malacañang na isasailalim sa mas mahigit na enhanced community quarantine classification ang Metro Manila simula sa Agosto 6 hanggang 20.—FRJ, GMA News