Umabot sa 7,186 ang mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, ang pinakamataas sa nakalipas na mahigit isang buwan. Ang mga kaso ng hawahan sa Metro Manila, tumaas din ng 47 porsiyento.
Sa kabila ng pagtaas ng mga kaso, sinabi ng Department of Health (DOH) na mayroon pang 13 laboratoryo ang hindi nakapagsumite ng kanilang datos sa takdang oras sa COVID-19 Document Repository System.
Sa kabuuan, nasa 1,562,420 na ang naitalang COVID-19 cases sa bansa.
Nadagdag naman ng 5,672 ang gumaling para sa kabuuang bilang na 1,478,625.
Mayroong 72 pasyente ang pumanaw para sa kabuuang bilang na 27,318.
Ang mga aktibong kaso, tumaas sa 56,477.
Sa nasabing bilang, 93.8% ang mild cases, 1.3% ang asymptomatic, 2.3% ang severe, at 1.1% ang kritikal.
Mayroon din 49 na kaso na naunang naitala na gumaling ang inilipat sa bilang ng mga pumanaw matapos maisagawa ang final validation, ayon sa DOH.
Una rito, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III, na tumaas ng 47% ang mga kaso ng COVID-19 sa Metro Manila sa linggong ito kumpara sa nakaraang linggo.
Sa nagdaang linggo, umaabot umano sa “a little over 900” ang daily cases ng COVID-19 sa Metro Manila.
Hinikayat ng kalihim na paigtingin ang case finding, testing, at contact tracing, iba pang mga hakbangin para mapigilan ang pagkalat ng hawahan.—FRJ, GMA News